UNYPAD
  • SEC Registration No.
    CN200428294
  • PEACE is doable...
    the path towards JUST DEVELOPMENT.

PAHAYAG NG UNYPAD KAUGNAY NG MALAGIM NA PAGPATAY SA SIYAM (9) NA SIBILYAN SA KABACAN, NORTH COTABATO

3 September 2020

Mariing kinokondena ng pamunuan ng United Youth for Peace and Development, Inc. (UNYPAD) ang malagim na pagpatay sa siyam (9) na sibilyang Moro kabilang ang isang labing anim (16) na taong gulang na binata gamit ang matataas na uri ng armas sa Kabacan, Cotabato noong Agosto 29, 2020.

Kaakibat nito ang panawagan sa mga otoridad ng pagkakaroon ng patas na imbestigasyon upang managot sa batas ang sinumang mapatunayang nagkasala at maibigay ang karapat-dapat na hustisya sa mga biktima.

Nakikiusap din ang UNYPAD sa pamilya ng mga biktima na maging mahinahon, pairalin ang ‘rule of law’ at ibigay sa mga otoridad, tulad ng Bangsamoro Commission on Human Rights (BCHR), Commission on Human Rights (CHR), Bangsamoro Government, Crime Investigation and Detection Group (CIDG), National Bureau of Investigation (NBI), at iba pang independiente at mapagkatiwalaang grupo ang tiwala sa paglutas ng krimen.

Humihingi rin ang UNYPAD sa Taong-Bayan maging Muslim, Kristyano, at Katutubo na
lubos pang paigtingin ang pagkakaisa, pag-uunawaan at pagmamahalan sa kabila ng krisis na ito. Huwag natin hayaang masira ang magandang ugnayan ng bawat isa na ating natatamasa.

Higit sa lahat, ating pahalagahan ang mga bunga ng kasunduang pangkapayapaan sa pagitan ng Republika ng Pilipinas at Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Dapat nating ingatan at pangalagaan ang bunga ng kapayapaan na ito laban sa mga ‘peace spoilers’ na ang tanging hangad ay hindi magtagumpay ang programa ng Pamahalaan para sa kapayapaan, kaunlaran ng bawat isa at nang ating mga lugar sa Bangsamoro Autonomous
Region in Muslim Mindanao (BARMM) at karatig na lalawigan.

Kasama ninyo ang UNYPAD na ipaglaban ang natamong kapayapaan, susuporta at lalahok sa mapayapang pagkilos na naayon sa batas upang tuloy-tuloy nating makamit ang kapayapaan at kasaganaan sa ating mga komunidad.

Nakikiramay ang United Youth for Peace and Development, Inc. sa mga naulilang pamilya ng mga namayapang sibilyan dahil sa malagim na insidenteng ito sa kabila ng pandemiya na ating kinakaharap.

Datuan “Dats” Magon
Spokesperson
09958272016