Kutawato Multimedia Network “Balitang Bangsamoro!” August 22, 2013

FASTRAC magbibigay ng technical support sa FAB Annexes at Bangsamoro Basic Law

By Tu Alid Alfonso (UNYPAD/KuMuNet)

Umuusad na ang binuong partnership ng United Nations, World Bank at Moro Islamic Liberation Front na “Facility for Advisory Support for Transition Capacities o FASTRAC” na syang magbibigay ng technical assistance sa MILF para sa nalalabing dalawang annexes ng Framework Agreement on the Bangsamoro, ito ay ang Power Sharing at Normalization, kasama rin dito ang pagbuo sa Bangsamoro Basic Law.

Ito’y matapos misagawa ang Tatlong-araw na workshops tungkol sa Transitional Justice, Normalization, at Internal Waters o Territorial Seas para sa miyembro ng MILF Transition Commission, Technical Working Groups at ang kanilang Secretariat.  Ang workshops ay ginawa sa Golden Lace, Macapagal Street, Lungsod ng Cotabato noong Ika-labing-Lima at labing-Pito ng Agosto.

Ang FASTRAC Consultative Committee na pinamumunuan ni MILF peace panel chair Mohagher Iqbal at sya ring chair ng Bangsamoro Transition ay sinabi nito na ang workshops ay lubos na mahalaga upang ma’enhance ang mga perspektibo ng mga partisipanteng lumahok sa workshop para sa pagbuo ng nalalabing annexes ng GPH-MILF Peace Process.

Matatandaan na nagkasundo ang FASTRAC Consultative Committee sa pamamagitan ng teleconference na naganap Agosto a’Nwebe. Naitakda ang partnership sa loob ng tatlong-taon.

Ayon sa ulat ng MindaNews ang technical support ay paghahanda sa pagpapatakbo sa Bangsamoro New Autonomous Political Entity na syang ipapalit sa Autonomous Region for Muslim Mindanao sa darating na June 30, 2016.

Sinabi ni United Nations Resident Director Luiza Carvalho, na katuwang ng FASTRAC ang Australian Agency for International Development na naatasan sa pagbibigay ng  kinakailangang advisory services at access sa mga national at international expert para makatulong sa pag-usad ng peace process, at sa pagbuo ng Basic Law na syang maging salamin ng mamamayang Bangsamoro sa minimithi nitong totoong  awtonomiya habang pina-panday ang magiging basehan ng mahusay at may panananagutan sa mamamayan na pang-gobyerno.

Ang FASTRAC Interim Work Plan ay may apat na puntos. Una, ang suporta para sa political negotiations process—sa pamamagitan ng technical notes sa mga hindi pa nareresolbang issues; Pangalawa, suporta para sa transition ng Bangsamoro sa pagsasagawa ng mapping sa mga priority areas for intervention at kasalukuyang partner support; Pangatlo, sa pagpaplano sa pagbuo ng ministerial form of government; at ang pang’Apat ay ang suporta sa Transition Commission para sa paghahanda sa gagawing Bangsamoro Basic Law.

Indigenous People naiipit sa labanan ng New People’s Army at Militar

By Lira Mae Pagco (forumZFD Volunteer/KuMuNet)

Patuloy na nagagambala ang pamumuhay ng mga Indigenous People o Katutubo sa Surigao Del Sur dahil sa mga bakbakan na nangyayari sa pagitan ng Military at New People’s Army o NPA.

Ayon sa datus ng Swiss-based International Monitoring Center o IDMC, ginagawang kampo ng NPA ang mga paaralan sa lugar, nasira narin ang mga bahay, ari-arian at kabuhayan ng mga residente. Lumikas narin ang ilang mga tao upang makaiwas sa panganib na maaaring maidulot ng labanan.

Naitala rin ng IDMC na nakakaranas ng pang-aabuso at pag labag sa karapatang pantao ang mga Katutubo sa lugar.

Ayon sa ulat, sapilitan umanong pinagtatrabaho ang karamihan sa mga katutubo at ginagawa pa raw umano itong bagong kasapi ng mga NPA. Dahil dito pinagsususpetsahan ng mga militar na taga-suporta ng mga NPA ang mga Katutubo sa Surigao, Davao del Sur.

Bakwit sa Al-barka, Basilan nasa Evacuation Centers pa rin habang nakauwi na ang ilang pamilya sa kanilang mga lugar

By Tu Alid Alfonso (UNYPAD/KuMuNet)

Isang-daan at pitumpot-walong pamilyang mga bakwit ng Barangay Macalang, Al-Barka, Basilan at karatig barangay nito ang nasa evacuation centers at pansamantalang nanunuluyan sa kanilang mga kamag-anak.

Habang nakabalik narin sa kanilang mga lugar ang mahigit “tatlong-daang” pamilyang mga bakwit na nadamay sa armadong labanan sa pagitan ng Armed Forces of the Philippines o AFP at mga pinaniniwalaang grupo ng Abu Sayyaf o ASG sa Al-barka, Basilan, ayon sa ulat ng Bangsamoro Human Rights Network ng ARMM.

Samantala, batay sa ulat ng Protection Cluster Mindanao Philippines, nagsimula ang labanan ng AFP at ASG ng lusubin ng mga sundalo ang kuta ng mga Abu Sayyaf Group dakong alas-kwatro ng umaga sa   Sitio Bohe-Libi, Barangay Macalang, Al-Barka, Basilan, na nagbunga ng putukan na tumagal hanggang alas-dose ng tanghali noong Agosto a’Otso.

Dalawa ang nasawi at Anim ang nasugatan sa panig ng ASG ayon sa ulat.

Ang bakbakan ay nagresulta sa paglikas ng mga residente ng Barangay Macalang, at iba pang mga barangay.

Sa kasalukuyan, ang mga hindi pa naka-uwi na pamilya ay nangangailangan parin ng tulong ayon sa Protection Cluster Mindanao Philippines.

Orentasyon at  Konsultasyon ng UnYPhil-Women hinggil sa Framework Agreement, Nagpapatuloy

By Frenz Laureta (UnYPhil-Women/KuMuNet)

Naglunsad ang United Youth of the Philippines-Women ng “Bangsamoro Women in the Peace Process-Grassroots Women Engagement Project. Gagawin sa proyektong ito ang serye ng oryentasyon hinggil sa Framework Agreement on the Bangsamoro o FAB at konsultasyon sa mga kababaihan na nasa isla at probinsiya ng Basilan at Sulu na isinagawa nitong una at ikalawang Linggo ng Agosto.

Sinabi ng UnYPhil-Women Executive Director Noraida Abo na naging matagumpay ang nasabing mga oryentasyon at konsultasyon.

Layunin ng proyekto ang makalap ang mga hinaing ng mga kababaihan mula mismo sa mga komunidad na masasakop ng Bangsamoro New Political Entity at para mabuo ang mga hinahangad na pagbabago para sa mga kababaihan.

Ayon kay Abo matagal nang naghahangad ng kapayapaan ang mga kababaihan sa Mindanao dahil na rin sa kanilang mga kalunos-lunos na karanasan sa panahon ng kaguluhan sa Mindanao.

Dagdag pa ni Abo na pinatunayan ng isinagawang oryentasyon at konsultasyon na ang mga kababaihan sa mainland at mga island provinces ay nagkakaisa sa pagsuporta sa usapang pangkapayapaan.

Ang Bangsamoro Women in the Peace Process project ng UnYPhil-Women ay inilunsad sa mga probinsiya ng Maguindanao, North Cotabato, Lanao del Sur, Lanao del Norte, Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi.