Kutawato Multimedia Network “Balitang Bangsamoro!” August 29, 2013

Malawak na Alyansa sa Pagresolba sa Baha, Binuo sa Cotabato City

By Frenz Laureta (UnYPhil Women/KuMuNet)

Pormal na inilunsad ang Kilos Cotabateño o ang alyansa sa pagresolba sa problema sa baha. Nagsilbing convenor ng naturang alyansa ang pang-masang organisasyon, simbahan, youth organizations, government employees union, at mga indibidwal.

Kasabay ng naturang paglunsad ay ang isang forum para talakayin ang kalagayang pang-kalikasan at kung paano naaapektuhan ang mga mahihirap na bansa sa mga lasong ibinubuga ng mga mayayamang bansa.

Ayon sa Secretary General ng Panalipdan-SMR Francis Morales, ang kontribusyon ng Pilipinas sa global warming ay 0.03 porsyento samantalang mahigit Limampong porsyento ay mula sa bansang Amerika.

Sinabi ng Head Secretariat ng Kilos Cotabateño na si Rasmia Gani, pinag sumikapan ng alyansa na maimbitahan ang Mindanao Development Authority o MinDA ngunit bigo itong magpadala ng kanilang representante.

Ang MinDA ay nasa ilalim ng Office of the President na may tungkulin na resolbahin ang problema sa baha. Ayon kay Gani, pagkakataon sana ng MinDA na marinig sa forum ang hakbangin ng ahensya tungkol sa baha.

Ayon sa Kilos Cotabateño, mayroon nang pag-aaral sa kalagayan ng Rio Grande de Mindanao at ang taunang nararanasang pagbaha sa Cotabato City.

Nananawagan ang Kilos Cotabateño ng agarang pagresolba sa problema sa baha kagaya ng paglalaan ng pondo para sa pambili ng dredger na gagamitin sa pag-aayos ng Rio Grande de Mindanao.

Ginanap ang Kilos Cotabateño sa Cotabato City State Polytechnic College Gymnasium, Lungsod ng Cotabato noong Sabado, Agosto 24.

Progresibong Grupo Nagrali Kontra Pork Barrel

By Frenz Laureta (UnYPhil-Women/KuMuNet)

Naglunsad ng kilos protesta ang mga progresibong grupo sa Pilipinas at iba pang bansa para ipanawagan ang tuluyang pagbuwag sa Priority Development Assistance Fund o PDAF na mas kilala sa pork barrel system noong Lunes.

Ang kasalukuyang PDAF system ay nagbibigay ng taunang pondo sa mga Senador ng P200 milyung piso at P70 milyung piso naman para sa mga Kongresista na kadalasang ginagamit sa proyektong pang-kaunlaran.

Sinabi ni Presidente Benigno Aquino noong Biyernes na sya ay pabor sa pagbuwag sa pork barrel system at mag-proposed ng bagong sistema na kung saan ang mga mambabatas ay pwede pang manukala ng mga proyekto para sa kanilang mga nasasakupan ngunit ito ay dadaan sa mabusising proseso at paghihigpit.

Samantala, ayon sa taga pagsalita ng Anakbayan Cotabato Jerome Succor Aba, hindi sapat ang papalitan lamang ang sistema at pangalan ng pork barrel na syang ipinapanukala ng Pangulo.

Sinabi ni Aba, ang ganitong panukala ay mananatili pa rin ang lump sum amount na igagawad sa mga kongresista at senador na napaka bulnerable sa korapsyon.

Ayon naman sa Suara Bangsamoro Sandrex Salikula, dapat na i’re-channel ang pork barrel sa makabuluhang serbisyong panlipunan gaya ng edukasyon at kalusugan ng naghihirap na sambayanan.

Ngunit nilinaw ni Salikula na ang “pork in any name is still a pork.” Pork Barrel is haram,” ayon kay Salikula.

Medical Action Group, Naglunsad ng Medical Doctors for Human Rights Online Database

By Tu Alid Alfonso (UNYPAD/KuMuNet)

Naglunsad ang Medical Action Group Inc. o MAG ng “Presentation and Demonstration of the online Database of Trained Public Health Doctors” noong Martes na ginanap sa Alnor Hotel, Cotabato City na dinaluhan ng Civil Society Groups, Non-Government Organizations, kinatawan ng Commission on Human Rights Region 12 at ARMM.

Tinawag ang proyekto na Medical Doctors for Human Rights o “MD4HR” isang online database ng mga Doktor na nakapag-aral ng karapatang pantao, pagsusuring medical ng tortyur, sekswal na pang-aabuso o paghuhukay ng mga labi upang matukoy ang kanilang pagkakilanlan at sanhi ng pagkamatay o exhumation.

Gagawin din ang presentasyong ito sa Davao, Zamboanga, Sulu, Pampanga, Bacolod, at Manila.

Ayon kay Medical Action Group John Alster Soriano, malaki ang maitulong ng mga Doktor na nakapag-aral sa pagdokumento ng mga Human Rights Violations tulad ng torture, sexual violence, autopsy at exhumation upang magamit na ebidensya para sa mga kasong nais ihabla sa korte ng mga biktma na nalabag ang karapatang-pantao.

Sinabi ni CHR Region 12 Director Christina Haw-tay Jovero na kapag hindi maayos ang pagka-dokumento sa mga kaso ng mga Human Rights Violations maaari itong ibasura ng korte.

Ang online database na ito ay bukas sa publiko. Sa mga nais bumisita at mag-sumite ng kanilang reports at humingi ng tulong sa mga Medical Action Group Doctors upang maidokumento ang mga kaso ng tortyur at iba pang paglabag sa karapatang-pantao mag-log on lang sa www.MD4HR.net

Mahigit Dalawang-daang Rido, naitala ng Regional Reconciliation and Unification Commission sa ARMM

By Norodin Manalao (RRUC/KuMuNet)

“Nagdudulot ng malaking pinsala sa pamumuhay nang mamamayan hindi lang sa Autonomous Region in Muslim Mindanao kundi sa buong Mindanao ang Rido na madalas na nagiging dahilan ng kaguluhan sa lugar na sakop ARMM,” ito ang inihayag ng pinuno ng Regional Reconciliation and Unification Commission Atty. Dimapuno Ramos Datu.

Aniya, madalas nag-uumpisa ang Rido o alitan ng mga pamilya dahil sa pulitika, lupa, nakawan at pag-mamaltrato sa mga kababaihan.

Dahil dito, nag-inisyatiba ang RRUC na makalap at makuha ang dami ng Rido sa ARMM sa tulong ng Consortium of Bangsamoro Civil Society o CBCS at iba pang organisasyon upang malikom ang bilang nang mga angkang naglalaban sa kumunidad at malaman ang ugat-dahilan nito.

Ayon sa RRUC, ang mga ridong ito ay pag-aaralan ng grupo upang mabigyan ng tamang aksyon para maresolba sa lalong madaling panahon.

Sa loob ng tatlong buwan, mula Nobyembre 2012 hanggang Enero 2013, mahigit Dalawang-daang Rido  sa ARMM ang naitala ng Regional Reconciliation and Unification Commission.

Sinabi ni RRUC Executive Director Norodin Manalao, ang pagbibilang nang mga nag-aaway na pamilya o angkan ay bahagi ng programa ng pamahalaang ARMM sa tulong ng The Asia Foundation o TAF.

Dagdag pa ni Manalao na layunin ng programa na makamit ang kapayapaan at magkaroon ng pagkakaisa ang mga mamamayang Moro.

Ang Regional Reconciliation and Unification Commission ay isang ahensya sa ARMM na binuo upang tutukan ang isyu nang naglalalabang pamilya o tinatawag na Rido sa rehiyon at suportahan ang mga usaping may kaugnayan sa paghahangad ng kapapayan.