Kutawato Multimedia Network “Balitang Bangsamoro!” December 12, 2013

Public Consultations sa Bangsamoro Basic Law, Ginanap sa Lanao del Norte at Iligan City

By Lira Mae Pagco (ForumZFD/KuMuNet)

Mahigit tatlumpong local civil society organizations ang nanguna at nakilahok sa isinagawang public consultations sa lalawigan ng Lanao del Norte at lungsod ng Iligan na sinuportahan ng GIZ Peace Service Program.

Ang konsultasyon ay naganap noong ika-apat hanggang ika-pito ng Disyembre.

Ayon sa organizer ng ginawang konsultasyon, ito ay bahagi ng pagsisikap upang makakuha ng input mula sa mga komunidad hinggil sa bagong itatatag na Bangsamoro na papalit sa kasalukuyang Autonomous Region in Muslim Mindanao o ARMM.

Ayon naman kay Gimaidee Ann Cadodot ng Pailig Academy for Grassroots Democracy, at secretariat ng ginawang konsultasyon sa Lanao del Norte, ang mga resulta ng mga naisagawang konsultasyon ay issumite sa Bangsamoro Transition Commission (BTC) at sa panel ng gobyerno at Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Sinabi ni historian Professor Rudy Rodil na miyembro ng Mindanao Regional Consultative Commission, sa loob ng napakaraming taon, anya, ito ang kauna-unahang pagkakataon na ang mga komunidad sa nabanggit na lugar ay pormal na nakonsulta sa itatatag na bagong Bangsamoro.