Kutawato Multimedia Network “Balitang Bangsamoro!” November 28, 2013

Konsultasyon ng Independent Commission on Policing isinagawa sa Bayan ng Sultan Kudarat, Maguindanao

By Ammier M. Dodo (CBCS/KuMuNet)

Matagumpay ang idinaos na konsultasyon ng Independent Commission on Policing o ICP na ginanap sa tanggapan ng Bangsamoro Leadership and Management Institute o BLMI, Simuay, Sultan Kudarat, Maguindanao kahapon,  Miyerkules, at magtatapos sa araw na ito, ika Dawamput-walo ng Nobyembre.

Dinaluhan ng iba’t-ibang personalidad na nanggaling sa hanay ng Civil Society Organizations at Religious Sector ang konsultasyon.

Sinabi ng ICP chairman Randy Beck na layunin ng pagtitipong ito na pakinggan ang tinig ng mamamayan ukol sa itatatag na Bangsamoro Police Force. Kasabay nito, nangako si Beck na gagawin ng ICP sa abot ng kanilang makakaya upang makabuo ng isang kongrketong rekomendasyon para sa itatatag na Bangsamoro Police Force.

Kabilang ang ilang representante ng  mga kabataang Moro na dumalo sa naturang pagtitipon. Ayon sa Deputy Secretary General ng United Youth for Peace and Development o UNYPAD na si Datuan Magon, nais ng kabataang Moro na magkaroon ng isang police force na hindi pagmamay-ari ng pulitiko, hindi magiging escorts lamang ng mga local na opisyales, bagkus ay isang police force na syang tagapagtanggol ng mamayan, maging anuman ang estado nito sa community.

Pekeng UN agent na pinag-ugatan ng karahasan sa Zamboangga Crisis, nadakip!

By Kutawato Multimedia Networ (KuMuNet)

Pinagsanib pwersang operasyon ng police at military sa Cagayan de Oro City ang nakahuli sa isang pekeng agent ng United Nations o UN na pinaniniwalaang sangkot sa karahasang nangyari sa Zamboanga City.

Ayon kay Chief Inspector Ariel Huesca, spokesman ng Police Regional Office 9, nahuli ng operatiba ng regional Criminal Investigation and Detection Group o CIDG at intelligence unit ng Army’s 4th Infantry Division noong Martes dakong alas-Tres y Medya ng umaga sa bus terminal ng Barangay Bulua, Cagayan de Oro City ang suspek na kinilalang si Daniel Xavier, na dating US Navyman.

Sinabi ni Chief Inspector Huesca na si  Xavier ay may standing arrest warrant na umanoy paglabag sa Philippine laws on crimes against humanity at rebellion na may kaugnayan sa Zamboanga crisis.

Ayon sa ka-Pulisan, si Xavier ay nagpanggap umano na representative ng UN at nangako kay Nur Misuari ng Moro National Liberation Front na  sumusuporta raw ang UN sa pagdeklara ng MNLF ng independence.

Ngunit itinanggi ito ng United Nations sa isang opisyal na sulat pahayag na hindi representative ng UN si Xavier.