Kutawato Multimedia Network “Balitang Bangsamoro!” September 12, 2013

Grupo ng Civil Society Organizations tinalakay ang siguridad ng mamamayan sa Mindanao bunsod ng mga kaguluhang nangyayari sa rehiyon

By Kutawato Multimedia Network (KuMuNet)

Nagsama-sama ang grupo ng Civil Society Organizations mula sa probinsya ng Maguindanao, North Cotabato, Sultan Kudarat, at lungsod ng Cotabato, itoy bunsod ng mga nakakabahalang pangyayari sa Mindanao kasunod ng pambobomba sa lungsod ng Cotabato at Cagayan, lalawigan ng Maguindanao at North Cotabato gayundin ang kasalukayang kaguluhan sa lungsod ng Zamboanga.

Sinabi ng Presidente ng UNYPAD Rahib Kudto, ang pag-uusap ng mga miyembro ng Civil Society Organizations ay upang maanalisa ang kalagayan sa seguridad sa Mindanao para makabuo ng isang ‘action plan’ upang matugunan ang nakakabahalang pangyayari sa rehiyon.

Ayon sa tagapagsalita ng grupo na si Dats Magon, nanawagan ang kanilang grupo ng pagkakaisa ng mamamayan tungo sa pagkamit ng makatarungang kapayapaan sa Mindanao.

Nananawagan din ang kanilang grupo sa pamahalaan at Moro Islamic Liberation Front na bilisan ang pag-uusap at pirmahan na ang power sharing at normalization annex ng Framework Agreement on the Bangsamoro.

Samantala, nananawagan din ang grupo nila Dats Magon sa pamahalaan at Moro National Liberation Front na kasalukuyang naglalaban ngayon sa lungsod ng Zambaonga na igalang at i-respeto ang karapatan ng mga sibilyan na naiipit sa kaguluhan.

Pinangunahan ang isinagawang pag-uusap ng United Youth for Peace and Development o UNYPAD at Mindanao Action for Peace and Development o MAPAD sa tulong ng Nonviolent Peaceforce Philippines. Ito’y dinaluhan ng mahigit Tatlumpong partisipante mula sa hanay ng Moro, Indigenous people at settlers. Ginanap ang pag-uusap noong Martes dito sa Lungsod ng Cotabato.

Konsultasyon ng Kababaihang Moro tungkol sa Shariah Justice System sa Bangsamoro, ginanap sa Probinsya ng Sarangani

By Kutawato Multimedia Network (KuMuNet)

Nagkaroon ng konsultasyon ang lideres ng kababaihang Moro na nagmula sa Zambonga, South Cotabato, Sarangani, Sultan Kudarat, Davao del Sur at General Santos  City upang pag-usapan ang Shariah Justice System sa gagawing Bangsamoro Basic law.

Kasama sa ginawang workshop ang magiging partisipasyon ng mga kababaihan sa itatatag na gobyerno ng Bangsamoro. Gayundin ang isyu ng ‘non-discrimination’ at mga mekanismo sa pagbibigay ng mga updates at konsultasyon sa ginagawang peace process ng pamahalaan at Moro Islamic Liberation Front.

Tinalakay din ng miyembro ng Bangsamoro Transition Commission Atty. Johaira Wahab sa naturang pagtitipon ang importanteng nakapaloob sa Framework Agreement on the Bangsamoro, ang Bangsamoro Transition Commission, at Bangsamoro Basic Law.

Kabilang din sa nagbigay ng input sina Atty. Alpha Carol Fontanal tungkol sa Magna Carta of Women at Code of Muslim Personal Law; at Jurma Timasan na tinalakay ang  ARMM Reproductive Health Code and the ARMM RH Law.

Natuwa naman sa kinlabasan ng konsultasyon ang consultant ng Mayor ng General Santos City na si Dr. Hanina Tito na dating miyembro ng Peace Panel sa negosasyon noon ng  pamahalaan at MNLF.

Ang programa ay pinangunahan ng Nisa Ul Haqq fi Bangsamoro at dinaluhan ng mahigit Tatlumpong Moro women leaders. Ito ay ginanap sa A Montana Resort, Alabel, Sarangani noong ika-29 hanggang 31 ng Agosoto.

Sibilyan sa Zamboanga City naiipit sa kaguluhan ng Gov’t. troops at MNLF Misuari group

By Kutawato Multimedia Network (KuMuNet)

Nagbakwit ang mahigit Labing-tatlong libong indibidwal  mula sa mga barangays ng lungsod ng Zamboanga bunsod ng palitan ng putok sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at Moro National Liberation Front o MNLF mula sa grupo ni Professor Nur Misuari na sumiklab noong Lunes.

Sinabi ni Zamboanga Mayor Maria Isabelle “Beng” Climaco-Salazar na lubos na naapektuhan at naging sentro ng kaguluhan ang barangays ng Sta Barbara, Sta Catalina, Rio Hondo, Mariki, at Talontalon.

Ayon sa ulat na nakalap ng KuMuNet, naitala din ang pang-ho-hostage ng MNLF combatants sa mahigit Dalawang-daang sibilyan sa Zambaonga City.

Sa ipinalabas na media statement kahapon ni Temogen “Cocoy” Tulawie isang Human Rights Defender, sya ay umaapela kay chairman Nur Misuari at sa kanyang mga kapatid sa MNLF na pakawalan ang mga binihag na sibilyan.

“In the name of peace, for the sake of humanity and in behalf of the innocent civilians who are again bearing the brunt of violence and atrocities, I am appealing to Chairman Nur Misuari and all my brothers in the Moro National Liberation Front to release the hostages and withdraw immediately and unconditionally from the civilian communities in Zamboanga City and return to your camps,” ang sulat pahayag ni Tulawie.

Nananawagan din si Tulawie kay Pangulong Noynoy Aquino at sa Local Crisis Committee.

“I am urging President Aquino and the Local Crisis Committee to provide an exit for these heavily armed MNLF fighters through the facilitation of third party mediators who are acceptable to Chairman Misuari. Just like what happened in 2001 during the Kabatangan fighting, sobriety and determination to preserve innocent civilian lives led these people to a viable exit so that they can go back to their camps of origin,” dagdag sa sulat pahayag ni Tulawie.

Kaugnay nito, nanawagan din ang grupo ng Civil Society Organizations sa Central Mindanao sa pamahalaan at MNLF na i-respeto ang karapatang-pantao ng mga sibilyan  na nakapaloob sa International Human Rights Law at International Humanitarian Law.

Sinabi ng Moro Women Development and Cultural Center, Executive Director Baina Samayatin, na dapat idaan sa mapayapang pag-uusap ang kasalukuyang krisis sa Zambaonga City.