Kutawato Multimedia Network “Balitang Bangsamoro!” September 19, 2013

Organization of Islamic Cooperation may intensyong tumulong sa pag resolba sa kaguluhang nangyayari sa Zamboanga

By Lira Mae Pagco (ForumZFD/KuMuNet)
 

Nag-alok ng tulong ang Organization of Islamic Cooperation o OIC upang matugunan ang lumalalang sitwasyon sa Zamboanga City na kumitil sa buhay ng tropa ng pamahaaan, hukbo ng Moro National Liberation Front o MNLF at mga inosenteng sibilyan.

Sa pahayag na nailathala sa website ng Organization of Islamic Cooperation, sinabi ni OIC Secretary General Ekmeleddin Ihsanoglu  na lubos silang nababahala sa patuloy na karahasang nangyayari sa Zamboanga at iba pang mga lugar sa Mindanao.

Ayon sa statement ng OIC, kanilang inaayawan ang anumang marahas na hakbang [sa krisis na nangyayari sa Zamboanga City].

Dagdag sa statement, sa mga kakulangan na nangyari sa peace process [ng pamahalaan at MNLF] na naging dahilan ng karahasan at di-makatarungang gawain ay nanawagan ang OIC na ipagpatuloy ang naudlot na Tripartite Review Process sa lalong madaling panahon upang makamit ang mga natitira pang hindi naresolba na isyu…sa full implementation ng 1996 Final Peace Agreement para mabigyang daan umano ang makatarungang kapayapaan sa Mindanao.

Kaugnay dito nanawagan din ang OIC sa pamahalaan at MNLF na maging mahinahon at bigyan ng mapayapang resolusyon ang nangyayaring kaguluhan upang maiwasan ang karagdagang pagdanak ng dugo sa lugar.

Civil Society sa Central Mindanao opisyal na nagpahayag ng kanilang suporta sa GPH-MILF peace process 

By Lira Mae Pagco (ForumZFD/KuMuNet)

Nagpahiwatig ng lubos na pag suporta sa kasalukuyang 40th Exploratory Talks ng Gobyerno at Moro Islamic Liberation Front o MILF na ginaganap sa Kuala Lumpur, Malaysia ang iba’t ibang Civil Society Organizations sa Central Mindanao. Idinadalangin ng mga CSOs na ang nagaganap na negosasyon sa pagitan ng  gobyerno at MILF ay tuluyang mauuwi sa pagpirma ng Comprehensive Peace Agreement na posibleng magiging daan sa kapayapaan sa Mindanao.

Ayon sa grupo ng CSOs na nakabase sa Central Mindanao ay magbibigay ng daan ang peace talks sa bagong pag-asa na makamit ng mga mamamayan ng Mindanao ang kanilang inaasam na kapayapan kapag mapirmahan na ang Comprehensive Peace Agreement.

Nananawag rin ang mga CSOs sa peace panels na naway mapabilis nila ang proseso sa pag-aayos ng lahat ng mga natitirang isyu na may kinalaman sa Framework Agreement on the Bangsamoro o FAB upang mapirmahan na ang Comprehensive Peace Agreement.

Samantala, nananawagan din ang grupo sa pamahalaan na dapat bigyan ng mahusay na pangangasiwa ang nangyayaring krisis ngayon sa Zamboanga City. Ayon sa miyembro ng CSOs ay dapat isaalang-alang ang safety at security ng mga sibilyan upang hindi maging collateral damage.

Sa kaugnay na panawagan, hinimok din ng grupo ang mag Bangsamoro leaders na mula sa hanay ng Moro National Liberation Front at MILF na magkaisa sa pagsulong ng kapayapaan, kaunlaran, katarungan, at right to self determination o karapatan sa sariling pagpapasya ang  Bangsamoro.

Buong kababaang-loob na pinaaalahanan ng CSOs ang pamahalaan at ang MILF na ang pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao ay nakasalalay sa kanilang mga kamay at ang anumang pagkabalam sa pag-uusap ay magpapahaba ng paghihirap sa mamamayan.

Mga pinuno ng Civil Society sa Mindanao nag-obserba sa 40th Exploratory Talks ng Gobyerno at MILF sa KL, Malaysia 

By Tu Alid Alfonso (UNYPAD/KuMuNet)

Nag-obserba ang ipinadalang mga pinuno ng civil society organizations na sina Mahdie Amella ng United Youth for Peace and Development o UNYPAD at Analiza Ugay ng Balay Rehabilitation Center Inc. sa ginaganap na ika-40th Exploratory Talks sa pagitan ng gobyerno at MILF sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Ang dalawang opisyal ng kanilang pinagmulang organisasyon ay direktang maobserbahan ang pag-uusap ng Gobyerno at MILF upang lubos na maintindihan ang mahahalagang isyu na pag-uusapan ng dalawang panig.

Sinabi ni Analiza Ugay na ang impormasyon na kanilang makukuha sa pag-uusap ng gobyerno at MILF ay kanya itong ipapaalam sa mga komunidad.

Naniniwala ang civil society sa Mindanao na napakahalaga ang inclusiveness, transparency at direk na partisipasyon ng stakeholders sa usapang pangkapayapaan.

Ayon kay Mahdie Amella na ang mga komunidad ay dapat laging nabibigyan ng impormasyon at maisama sa alin mang bahagi ng pag-uusap.

Sa naganap na ika-39th Exploratory Talks ay nabigyan ng pagkakataon na maka-obserba ang tatlong mga pinuno ng civil society na sina Patricia M. Sarenas, Chair ng Mindanao Coalition of Development NGO Networks, Salic Ibrahim, Co-Chair ng Mindanao Peoples Caucus o MPC at Atty. Mary Ann Arnado, Secretary General ng MPC.

Isinalaysay ni Atty. Arnado kung gaano ang paghihirap na pinagdaraanan ng peace panels sa kanilang pag-uusap.

Sinabi ni Atty. Arnado na   bagamat may kahirapan ang pag-uusap ngunit nakakaya naman ng dalawang panig na lampasan ang anumang pagsubok dahil sa detreminasyon at commitment ng gobyerno at MILF upang makamit ang inaasam-asam na pagpirma sa comprehensive peace agreement.

Japan Embassy nagsagawa ng inspeksyon sa ginagawang konstruksyon ng School building project ng UNYPAD sa Brgy. Lapok, Maguindanao

By Tu Alid Alfonso (UNYPAD/KuMuNet)

Nagsagawa ng inspeksyon ang representante ng Japan Embassy kasama ang International Monitoring Team ng Japan na sina Chief Coordinator for Socio-Economic Assistance Mr. Takayuki Nagawa, at Senior Adviser for Reconstruction and Development of Mindanao Mr. Kei Fukunaga sa ginagawang konstruksyon ng School building project para sa Lapok Elementary School sa barangay Lapok, Shariff Aguak, Maguindanao noong Martes.

Ayon sa Development Management Center ng UNYPAD Director Anwar Saluwang, mahalaga ang pagbisita ng Japan Embassy sa project site upang direktang makita ang kasalukuyang kalagayan ng proyekto.

Ipinahayag din ng UNYPAD Project Management Team kabilang ang UNYPAD National President Rahib Kudto ang mga hamon sa pag-implementa ng proyekto kasama rito ang walang power electric supply sa barangay kung kayat gumagamit ng dynamo at generator ang UNYPAD sa pag-welding ng mga bakal na isang dahilan ng pagbagal sa ginagawang konstruksyon.

Sa kasalukuyan ayon sa financial report ng Development Management Center ng UNYPAD Admin and Finance, umabot na sa Pitumpong porsyento o 70% ang nagamit na pondo mula sa Isan-daang porsyento o 100% sa pagpapatayo ng School building.

Kaugnay nito umabot na sa Apat na buwan ang ginagawang konstruksyon ng UNYPAD mula noong Mayo a-Otso kung saan sinimulan ang proyekto.

Ayon sa UNYPAD makikinabang sa proyektong ito ang mahigit apat-na-raang mag-aaral ng barangay Lapok at karatig barangays nito.

Ang proyektong ito ay naisakatuparan sa tulong ng Grant Assistance for Grassroots Human Security Projects ng Japan Embassy sa pamamagitan ng Japan-Bangsamoro Initiatives for Reconstruction and Development o J-BIRD.