Kutawato Multimedia Network “Balitang Bangsamoro!” September 26, 2013

 

Southern Christian College nagsagawa ng Peace forum upang maunawaan ng Mag-aaral ang MILF-GPH Peace process at FAB annexes

By Lira Mae Pagco (ForumZFD/KuMuNet)

Matagumpay na ipinag diwang ng Southern Christian College sa bayan ng Midsayap ang International Day of Peace noong Setyembre 21. Dinaluhan ito ng mga estudyante na nasa iba’t ibang departamento tulad ng social work, community development at extension education.

Nagkaroon ng isang forum patungkol sa usapin ng Wealth sharing at Power sharing na ibinahagi nila Atty. Johaira Wahab at Froilyn Mendoza miyembro ng Transition Commission o TC na nakatakdang mag-draft ng Bangsamoro Basic Law.

Bagamat di gaanong naipaliwanag ng mga commissioners ang patungkol sa Power Sharing annex sa kadahilanang hindi pa ito napipirmahan at wala pang sapat na detalye para maibahagi sa mamamayan.

Kasama sa programa ang question and answer portion upang mabigyan ng kasagutan ang mga estudyante patungkol sa nagyayaring peace process sa pagitan ng GPH at MILF.

Ikinagalak naman ng mga estudyante at guro ng Southern Christian College ang pagkakataon na   mabigyang linaw at maipaliwanag ng miyembro ng Transition Commission ang mga kaganapan sa pag-uusap.

 

Pagnanakaw sa mahahalagang kagamitan ng mga Bakwit sa Midsayap na-diskubre

By Tu Alid Alfonso (UNYPAD/KuMuNet)

Pagnanakaw sa mahahalagang kagamitan sa mga naiwang bahay ng mga Bakwit ng Sitio Tuway, Barangay Tugal, Midsayap, North Cotabato naiulat ng Mindanao Human Rights Action Center o MinHRAC matapos ang bakbakan ng Militar at grupo ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters o BIFF na nag-umpisa noong Lunes hanggang Martes.

Sinabi ng mga residente nang kanilang tingnan ang kanilang mga bahay ay na-diskubre ng mga ito na nagkalat na ang kanilang mga kagamitan at ang mga mahahalagang bagay ay nawala narin.

Nais mang umuwi ng mga Bakwit noong Martes ngunit ayon sa Militar ay magsasagawa muna sila ng clearing operation sa mga lugar na apektado ng kaguluhan sa mga Barangays ng Tugal, Mudseng, Agriculture, Malingao, at Palongoguen upang matiyak ang kaligtasan ng mga sibilyan.

 

Mga Katutubong Bakwit sa Zamboanga, higit na nangangailangan ng tulong at kalinga

By Lira Mae Pagco (ForumZFD/KuMuNet)

Patuloy ang paghihirap ng mga sibilyan, lalo na ang mga Indigenous People o katutubo sa nangyaring stand off sa Zamboanga City. Batay sa report ng PDSI o PIKHUMPONGAN DBLIN SUBANEN INCORPORATED isang Subanen Women’s organization ng mga katutubo tulad ng Badjao, Subanen at Sama na naapektuhan ng kaguluhan sa Zamboanga ay tumatangging  pumunta ng evacuation center dahil sa  takot na makaranas ng diskriminasyon mula sa ibang tao. Dahil dito nagtitiis ang mga ito na manatili sa kanilang lugar sa kabila ng pagkasira ng kanilang mga tahanan.

Bagamat may supply ng pagkain nangangamba ang PDSI sa kondisyon ng mga katutubo sa lugar ayon sa kanila higit na kailangan ng mga ito ang basic material tulad ng banig, malong, at trapal para maging tent na magsilbing pansamantala nilang tirahan.

Binigyang diin ni Vicky Cajandig ng PDSI na mas ninanais ng mga katutubo na humingi ng tulong mula sa kanilang mga kamag-anak at mga kalapit nilang komunidad  dahil sa kanilang paniniwala na mas higit na tutulungan sila ng mga ito.

Ayon kay Cajandig, lubos na nangangailangan ng tulong ang katutubong kababaihan, mga batang Badjao, Subanen, at Sama. Dagdag pa ni Cajandig kailangan ng mga katutubo ng isang mas malawak na programa na makakatugon sa kanilang pangangailangan.

 

Mga Katutubo sa Maguindanao nagtapos ng ibat-ibang Capacity Building Trainings sa tulong ng IPDEV Project

By Lira Mae Pagco (Forum-ZFD/KuMuNet)

Halos isang daang mga katutubo mula sa tatlong tribu sa Maguindanao ang nagtapos ng iba’t-ibang capacity building training mula sa IPDEV Project noong Sabado, September 21, 2013, kasabay sa pagdiriwang ng International Day of Peace.

Ayon sa Project Manager ng IPDEV Aveen Acuña-Gulo, ang mga trainings na ito ay Sustainable Agriculture; Paralegal; at Advocacy Campaign Management.

Ang mga kalahok ay nagmula sa tribung Teduray, Lambangian at Dulangan Manobo.

Ayon kay Acuña-Gulo, ang grupo para sa Sustainable Agriculture ay natutong gumawa ng pampataba ng lupa o vermicompost, foliar fertilizer, pantaboy kulisap at daga.  Sa pamamagitan ng Sustainable Agriculture, layon ng training na hindi na gaanongg maging dependent ang mga magsasaka sa commercial na abono at pestisidyo.

Ang grupo naman para sa paralegal ay inalam kung anu-ano ang mga batas ng pamahalaan at inihambing sa batas ng tribu at kung paano magamit ang mga ito para sa kanilang kapakanan.  Sila rin ay tinuruan kung paano i-document ang mga paglabag sa mga karapatang-pantao upang kapag ilapit na nila ang mga kaso sa mga korte ay may bitbit na silang sapat na impormasyon.

Dagdag pa ni Acuña-Gulo, ang Advocacy Campaign Management ay nagkaroon ng kaalaman kung paano magpalaganap ng tama at napapanahong impormasyon upang mas madaling maintindihan ng kanilang kapwa katutubo ang mga isyung naaangkop sa kanila.

Layunin ng mga capacity building trainings ang pagkakaroon ng kakayahan ang mga katutubo na panindigan ang kanilang mga karapatan sa iba’t-ibang sitwasyon.