Kutawato Multimedia Network “Balitang Bangsamoro!” September 5, 2013

Pag-uusap ng mga Kabataan sa ARMM at Cotabato City upang suportahan ang FAB, Ginaganap

By Tu Alid Alfonso (UNYPAD/KuMuNet)

Dinaluhan ng Moro young leaders sa Maguindanao, North Cotabato at Cotabato City ang isinagawang “Young Leaders’ Round Table Discussions on Framework Agreement on the Bangsamoro” ng tanggapan ng Coordinating & Development Office on Bangsamoro Youth Affairs o CDO-BYA ng  Autonomous Region in Muslim Mindanao na ginanap sa Pagana Kutawato Restaurant, Cotabato City noong Biyernes.

Pinag-usapan ng mga pinuno ng mga kabataan na lumahok sa pag-uusap kung ano ang kanilang magagawa upang mapaigting ang kampanya sa Framework Agreement on the Bangsamoro o FAB kabilang dito ang paglikom ng mga kritikal na isyu sa kabataan ng ARMM.

Sinabi ni CDO-BYA Executive Director Anwar Upahm, ang programa ay suporta sa pag-uusap ng gobyerno at Moro Islamic Liberation Front at ang pag-gunita sa ‘International Day of Peace’ ngayung buwan ng Setyembre.

Aniya,“Makasaysayan ang buwan ng Setyembre sapagkat kalunus-lunos ang mga naitalang pangyayari  sa buwang ito.”

“Sa Pilipinas ay ang pagdeklara ni dating pangulong Ferdinand Marcos ng martial law na nagdulot ng kapinsalaan at pagkawala ng buhay ng mga mamamayang Moro sa Mindanao,” ayon kay Upahm.

Dagdag pa ni Upahm na sa buwan ding ito nangyari ang pag-atake ng mga terorista sa World Trade Center at Pentagon sa bansang Amerika.

Sinabi ni Upahm na ang mahigit Limapung porsyento na kabuuang bilang ng mga kabataan sa ARMM ay malaki ang maitulong nito sa pagpapalaganap ng FAB.

Ayon naman sa ARMM Office of Regional Governor Executive Secretary Atty. Laisa Alamia, dapat maging aktibo ang mga kabataan sa pagsuporta sa FAB sapagkat sila umano ang susunod na magpapatakbo sa gobyerno ng Bangsamoro na itatatag sa Mindanao.

Ngunit ito aniya ay makakamtan lamang kung may sapat na edukasyon at kaalaman ang mamamahala sa gobyerno.

Sa kabila ng hindi naging progresibo ang mga kabataang Moro dahil sa gyera, hinimok ni Atty. Alamia ang mga kabataan na mag-aral ng ibat-ibang kurso na kailangan sa pagpapatayo ng gobyerno ng Bangsamoro.

Samantala, ang United Youth for Peace and Development National President Rahib Kudto ang nagbigay ng buod na presentasyon patungkol sa FAB at annexes nito.

Ang programa ayon sa CDO-BYA ay gagawin din sa iba pang lugar na sakop ng Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Sinabi ni Upahm na lilikumin at pag-aaralan ng kanilang tanggapan ang mga suhestyon ng partisipante para makabuo ng isa pang mas malaking pagtitipon at programa na sumusuporta sa ipapatayong Bangsamoro government na s’yang ipapalit sa Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Libu-libong Bangsamoro sa Marawi City nag-Prayer Rally at nanawagan ng mapayapang resolusyon sa kagulahan sa Syria at Egypt

By Tu Alid Alfonso (UNYPAD/KuMuNet)

Nagsagawa ng prayer rally ang libu-libong Bangsamoro Maranaw sa Marawi City noong Biyernes ng umaga kaugnay ng napipintong pagsalakay umano ng Estados Unidos at United Kingdom sa rehimen ng Presidente ng Syria Bashar al-Assad pagkatapos ang napapabalitang paggamit umano ng nakakalasong kemikal na kumitil sa buhay ng mga inosenteng sibilyan sa bansang Syria.

Ngunit mariing itinanggi ng Presidente ng Syria na gumamit sila ng nakakalasong kemikal. Ang mga Rebelde umano ang gumamit ng nakamamatay na kemikal.

Nananawagan ang mga Maranaw sa mga partidong kasangkot sa kaguluhan sa Syria, gayundin sa Egypt na idaan sa mapayapang pag-uusap at solusyon kung anuman ang problemang kinakaharap ng dalawang Muslim States.

Batay sa ipinalabas na manipesto ng Saksi Islamic Radio Forum na nanguna sa ginawang mapayapang pagkilos kasama ang ilang Bangsamoro Civil Society Organizations, sila ay nadismaya sa pagkamatay ng maraming bilang ng sibilyan na nadamay sa kaguluhan sa Syria at Egypt.

Si Hadji Musa Macabangkit, isa sa nag-organizsa ng prayer rally ay nanawagan sa International Communities at United Nations Security Council, International Human Rights Commission at ang Organization of Islamic Cooperation na magtulungan upang mahinto ang karahasan na nangyayari sa Syria at Egypt na ang naging biktima ay ang mga insosenteng  sibilyan.

Brownout sa Mindanao patuloy na mararanasan

By Lira Mae Pagco (ForumZFD/KuMuNet)

Patuloy na nakakaranas ng apat hanggang anim na oras na pag-brownout ang ilang lalawigan sa Mindanao kabilang ang mga lungsod ng Kidapawan at Cotabato.

Ayon kay, Cotabato Electric Cooperative o COTELCO General Manager Godofredo Homez, ang nangyayaring brownout ay dahil sa isinasagawang pagsasaayos ng mga hydropower facilities na pangunahing pinagkukunan ng koryente sa Mindanao.

Kabilang din sa dahilan na paglala ng dinaranas na brownout sa Mindanao ay ang pansamantalang pagtigil ng operasyon ng Agus 4 Hydroelectric Power Plant at Maria Cristina Falls sa Lanao del Norte.

Nananawagan si Homez sa mga apektadong mamamayan na habaan pa ang pasensya sa nangyayaring power interruption sapagkat inaasahang matatapos ang pagsasaayos ng mga power plants sa susunod na buwan ng Oktubre.

Fact-finding mission ng AFP, PNP, MILF at IMT sa boundary ng Maguindanao at Lanao del Sur, Walang nakitang bakas ng Al-Qaeda at JI sa lugar

By Lira Mae Pagco (ForumZFD/KuMuNet)

Nagkaisa sa isang operasyon ang pinagsanib na pwersa ng Armed Forces of the Philippines , Philippine National Police , at ang Bangsamoro Islamic Armed Forces ng Moro Islamic Liberation Front kasama nag International Monitoring Team sa pag sagawa ng beripikasyon upang tiyakin ang mga hakahakang mayroong presenya ng Al-Qaeda na grupo ng mga terorista sa boundary ng Maguindanao at Lanao del Sur.

Ang operasyon ay sinubaybayan at sinuportahan nila Philippine Army Gen. Cesar Dionisio Sedillo, Jr. na sya ring Chairman ng government’s ceasefire committee at Benjie Midtimbang, isang senior official ng MILF.

Kinumpirma nila Sedillo at Midtimbang na walang anumang bakas ng Al-Qaeda at JI sa lugar.

Ikinagalak naman ng lahat ng representante ng grupo ang matagumpay na resulta ng isinagawa nilang ‘fact-finding mission’ na nag-umpisa noong ika-Dalawamput-Anim ng Agosto.